Isa ang dating Pangulong Noynoy Aquino sa iimbestigahan ng National Bureau of Investigation o NBI kaugnay sa 3.5 bilyong pisong dengue vaccine program ng Department of Health (DOH).
Ayon ito kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nagsabing lahat ng posibleng sangkot sa nasabing kontrobersya ay iimbestigahan ng NBI.
Magugunitang ipinatigil na ng DOH ang paggamit ng ‘dengvaxia’ matapos aminin mismo ng manufacturer nito, ang Sanofi Pasteur, na may hindi magandang epekto ang nasabing bakuna sa naturukan nito na hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Pinawi naman ng Malacañang ang pangamba ng publiko na nakamamatay na kaso ng dengue na ang posibleng tumama sa mga nabakunahan ng dengvaxia vaccine na hindi pa kailanman tinamaan ng nasabing sakit.
Sa presscon sa Malacañang, sinabi ni Presidential Harry Roque na meron nang bagong classification ang dengue na tinukoy bilang mild, severe at deadly o nakamamatay.
Iginiit ni Roque, ang tinukoy ng manufacturer na Sanofi Pasteur ay severe dengue at hindi ang deadly stage ng dengue.