Itinuturing ni dating Special Action Force (SAF) Director Getulio Napeñas na ‘vindication’ ang pagkakatalaga sa dati niyang deputy na si Police Director Noli Taliño bilang bagong SAF director.
Ito ay ayon kay Napeñas ay para sa lahat ng mga opisyal na nakasuhan dahil sa madugong Mamasapano massacre na ikinasawi ng apatnapo’t apat (44) na SAF commandos matapos mapintakasi nang mapatay ang kanilang target na si Zulkifli Binhir alyas Marwan noong 2015.
Sa pakikihalubilo ni Napeñas sa mga miyembro ng PNP – SAF, muling niyang binanatan si dating Pangulong Noynoy Aquino nang palabasin nito na ‘incompetent’ siya gayundin ang iba pa niyang mga kasamahang nagkasa sa naturang operasyon.
Ngunit buwelta naman ni Aquino, mismong si Napeñas aniya ang nagpakita ng ‘incompetence’ dahil sa mga mali-maling impormasyon na ibinibigay sa kanya noong panahon na mapintakasi ang dalawang grupo ng SAF.
Ginawa ni Aquino ang pahayag kasunod ng paggunita sa ika-85 kaarawan ng kanyang inang si dating Pangulong Corazon Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque nitong Huwebes, Enero 25.