IBINASURA ng Office of the Ombudsman ang kasong Graft laban kay dating Philippine National Police o PNP Chief Retired Gen. Oscar Albayalde
Ito’y may kauganayan sa kasong isinampa laban sa kaniya ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG dahil sa di umano’y pang-aabor nito sa kasong may kinalaman sa iligal na droga laban sa mga dati niyang tauhan nuong 2013 na siya’y Provincial Director pa ng Pampanga PNP
Ayon sa Tanodbayan, ibinasura nila ang kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Albayalde dahil sa kakulangan ng ebidensya at nakitaan din ng ilang butas
Sa kaniyang panig, nagpasalamat si Albayalde sa lahat ng suporta na kanilang natanggap sa gitna ng mga pagsubok at tila nabunutan ng tinik dahil sa paglabas ng katotohanan
Ang desisyon aniyang ito ng Ombudsman at ng Department of Justice ay patunay lang na walang basehan at walang ebidensya ang mga personal na pag-atake laban sa kaniya na ang layunin lamang ay sirain ang kaniyang pangalan
Magugunitang, maagang nagretiro sa serbisyo si Albayalde nuong 2019 matapos pumutok ang kontrobersiya ng mga Ninja Cops o mga pulis na nagre-recycle ng iligal na droga sa Pampanga na kaniyang pinamunuan.