Ipinadedeport na rin ng Senate Blue Ribbon Committee sina dating presidential economic adviser Michael Yang, Pharmally official na si Lin Weixiong at Qing Jin Ke na marketing director ng Tigerphil na umano’y nag supply ng face masks sa Pharmally.
Kabilang ito sa mga nakasaad sa Partial Committee Report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa serye ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Inirekomenda ring kasuhan ng paglabag sa Government Procurement Act sina Atty. Lloyd Christopher Lao na dating chief ng Procurement Service (PS) ng DBM at Deputy Ombudsman Warren Liong at mga opisyal ng Pharmally.
Pinakakasuhan naman ng Falsification of Public Documents sina Jorge Mendoza at Mervin Tanquintic, mga opisyal ng PS-DBM na umamin na lumagda sa inspection report para sa mga p.p.e. na hindi pa nila nakita at hindi pa na-deliver.
Inirekomenda ring kasuhan ng Perjury sina Yang, mga Pharmally official at si Rose Nono Lin na asawa ni Lin Weixiong dahil sa umano’y pagsisinungaling sa senado.
Para maging official report ng Blue Ribbon Committee, kailangan nito ng lagda ng 11 mula sa dalawampung senador na chairman, miyembro at ex-officio members ng kumite. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)