Napatalon at napaiyak na lamang sa tuwa ang mga estudyante ng Albert Einstein College of Medicine sa New York City matapos ianunsyong bayad na ang kanilang tuition fee.
Ang nagbayad nito? Isang dating propesor ng nasabing private medical school.
Nagsimulang magtrabaho si Dr. Ruth Gottesman sa Albert Einstein College of Medicine noong 1968.
Noong September 2022, sumakabilang-buhay ang kanyang asawa na si David Gottesman, isang negosyante at bilyonaryo.
Upang magkaroon ng kahalagahan ang naiwang yaman ng asawa, nagdesisyon si Dr. Gottesman na magbigay ng $1 billion sa unibersidad bilang pambayad sa tuition fee ng lahat ng nag-aaral dito.
Dahil sa donasyong ito, makatatanggap ng refund ang mga estudyanteng nagbayad na ng kanilang matrikula, habang wala nang babayaran ang mga papasok pa lang sa medical school.
Pumapalo sa $60,000 o mahigit P3.3 million kada taon ang tuition fee sa Albert Einstein College of Medicine, na nag-iiwan sa maraming estudyante ng P11.2 million na utang matapos nilang maka-graduate dito.
Kaya para sa mga estudyante, napakalaking tulong ang ginawang kabutihan ng dating propesor dahil makakapag-aral na sila nang hindi inaalala ang pambayad sa matrikula. Mahihikayat din nito ang mga talentadong indibidwal na mag-aral ng medisina, ngunit nag-aalinlangan dahil wala silang sapat na kakayahan upang tustusan ang kanilang edukasyon.