Nagtangkang lumabas ng bansa at pumunta ng Singapore noong Setyembre si Atty. Lloyd Christoppher Lao, dating Executive Director ng procurement service ng Department of Budget and Management.
Ito ang isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman, Francis Tolentino.
Gayunman, hinarang anya ng Bureau of Immigration (BI) si Lao at hindi pinaalis dahil nananatili ito sa immigration lookout bulletin alinsunod sa rekomendasyon ng senado.
Bagaman binawi na ng senado ang warrant of arrest laban sa dating PS–DBM official kaugnay sa imbestigasyon sa Pharmally, tumanggi ang mataas na kapulungan ng kongreso sa kanyang hirit na clearance para matanggal na sa immigration lookout bulletin.
Samantala, inihayag ni Tolentino na mag-i-isyu siya ng kautusan upang bigyan ng mas malaking papel ang mga abogado ng mga testigo o resource persons sa mga pagdinig ng kumite na una sa kasaysayan ng nasabing lupon. – sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)