Patay ang isang dating pulis at isang kasamahan nito na nasasangkot sa kidnap for ransom activities matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Binangonan, Rizal.
Kinilala ang isa sa mga nasawi na si dating Police Officer 1 Rafael Maray na siyang sinasabing leader ng Maray kidnap for ransom group.
Batay sa ulat ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), nakikipag-ugnayan sila sa isang complainant sa naganap na limang insident ng kidanapping sa Binangonan nang kanilang mamataan ang isang puting van na may pekeng plaka.
Kanilang nilapitan ang van para sa verification pero bigla na lamang silang pinutukan ng baril ng mga sakay nito dahilan kaya gumanti ng putok ang mga operatiba ng pulisya na nauwi naman sa kamatayan ng dalawang suspek.
Habang isa pang kasamahan ng mga ito ang nakatakas at patuloy na pinag-hahap sa pamamagitan ng ikinasang manhunt operations.
Narekober sa lugar ng shootout ang isang glock pistol, isang kalibre 45 na baril, isang M-16 rifle, at Nissan Urban na van na may pekeng plaka.
Positibo namang kinilala ng kaanak ng isa sa mga biktima ng kidnapping si Maray bilang isa sa mga suspek —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).