Patay ang isang retiradong police colonel na kabilang umano sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Paco, Maynila.
Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Retired Supt. Roberto Palisoc na huling na-assign sa National Capital Region Police Office-Regional Tactical Operations Center.
Lulan si Palisoc ng pedicab nang barilin ng mga hindi nakilalang lalaking sakay ng kulay pulang Kawasaki Rouser motorcycle na sa kanto ng A. Linao at San Andres Street na ilang metro ang layo mula sa San Anthony’s Church.
Isa si Palisoc sa mga itinurong “ninja” cop o taga-recycle umano ng mga nasasabat na shabu.
Pulis-Maynila patay sa pananambang sa Malabon
Samantala, patay din ang isang pulis-Maynila matapos tambangan sa barangay Dampalit, Malabon City, kahapon.
Kinilala ang biktima na si Senior Police Officer 2 Rodolfo Cruz Jr. habang nakaligtas ang kasama nito sa sasakyan na si Retired Senior Police Officer Police 1 Elmer Barola.
Ayon kay Senior Supt. Harry Estela, hepe ng Malabon City Police, naganap ang insidente sa parking area ng isang sabungan sa Don Basilio Bautista Boulevard.
Papaalis na sana ang dalawa nang biglang lumapit ang isang lalaki na may suot na bullcap, itim na sando at backpack at pinaputukan sina Cruz bago tumakas lulan ng motorsiklo.
Inaalam na kung ano ang motibo sa pananambang at sino ang posibleng nasa likod nito.
—-