Patay ang isang dating pulis makaraang maka-engkuwentro nito ang mga tauhan ng philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Pampanga.
Kinilala ni PNP-AKG Director P/Bgen. Jonnel Estomo ang napatay na si P02 Rolando Basmayor Jr.
Ayon kay Estomo, magsisilbi lamang sana sila ng warrant of arrest laban kay Basmayor dahil sa kasong murder nang paputukan nito ang mga aaresto sa kaniya sa Brgy Sta. Monica, bayan ng Floridablanca sa Pampanga.
Nagawa pang isugod sa ospital si Basmayor sa Romana Pangan District Hospital subalit hindi na ito umabot at idineklarang dead on arrival.
Nasibak sa serbisyo si Basmayor matapos siyang iturong nasa likod ng pagpatay sa isang Jaypee De Guzman sa Brgy. Sumanding, San Rafael, Bulacan noong Pebrero ng nakalipas na taon.
Nabatid na si Basmayor ay nasa number 2 most wanted person ng Malolos, Bulacan at kasapi rin ng gun for hire group na nag o-operate sa gitnang Luzon. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)