Nagwakas ang maliligayang araw ng isang dating pulis na wanted sa mga kasong robbery matapos masakote ng mga elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Coliseo De Manila, Vistas St., Tondo, Maynila.
Kinilala ni NCRPO Acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo ang naaresto na si Eduardo Salamat Jr., 46 taong gulang.
Ayon kina NCRPO Spokesperson PLCol. Dexter Versola at Public Information Office Chief PMaj. Anthony Alising, si Salamat ay nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Raxabago Police Station ng Manila Police Distrit (MPD), Regional Special Operations Group-Regional Intelligence Division (RSOG-RID) sa bisa na rin ng warrant of arrest na inisyu laban dito ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court Branch 32 para sa kasong robbery.
Si Salamat ay Top 2 Most Wanted Person sa listahan ng NCRPO.
Batay sa rekord, noong Pebrero 24,2013 ay hinoldap ni Salamat ang mga biktimang sina Fernando Alberta at Joseph Alindang kung saan sinasabing natangay mula sa kanila ang tinatayang P30,000 na cash.
Tinugaygayan din si Salamat ng mga dati niyang kabaro dahil sa sinasabing pagkakasangkot nito sa ilang illegal activities tulad ng illegal gambling at nagsisilbi pang escort ng mga delivery trucks ng mga Chinese businessmen.
Nabatid din kina Versola at Alising na gumamit ang mga operatiba ng RSOG-RID ng Alternative Recording Devices (ARD) o body cams sa nasabing operasyon.
Agad na pinuri ni Estomo sina PCol. Romano Cardiño at RSOG-RID Chief LtCol. Wilfredo Valerio Sy at ang mga operatiba sa pagkakaaresto nila kay Salamat upang mapanatili aniya ang katahimikan at kaayusan sa komunidad.
Bahagi aniya ito ng S.A.F.E. Program ng NCRPO na layong supilin ang mga gumagalang kriminal sa kanilang nasasakupan.
Patuloy po ang ating mga kapulisan sa paglulunsad ng mga operasyon kontra sa mga most wanted persons kaya hinihikayat na rin natin ang iba pang akusado na sumuko ng payapa sa awtoridad upang masagot ang mga kasong inihain laban sa kanila,” pahayag ni Estomo.