Patay ang isang dating pulis gayundin ang kasabwat nito nang makipagbarilan sa mga kabaro nito sa Abaya Rd., Brgy. Toclong, Kawit, Cavite kaninang umaga.
Kinilala ng Cavite Provincial Police Office ang napatay na dating pulis na si P/Col. Arlan Ranera Aguilar habang hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng kasama nito.
Ayon kay Police SSgt. Jason Murcia, imbestigador sa kaso, 2:30 a.m. nang magkasa ng operasyon ang mga operatiba ng PNP Anti-Kidnapping Group, Kawit PNP-Regional Intellegence Division ng CALABARZON-PNP at ng Cavite Provincial Police Office para maghain ng warrant of arrest laban kay Aguilar dahil sa kason kidnapping.
Natunton ang suspek habang binabaybay ang Centennial Road sa Brgy. Putol sakay ng motorskilo kasama ang kasabwat nito subalit sa halip na huminto ay humarurot pa ito na naging daan para magkaroon ng habulan.
Nang ma-corner na ng mga otoridad, doon na sumiklab ang bakbakan sa pagitan nina Aguilar at ng mga pulis na nagresulta sa agarang kamatayan ng mga hinahabol na suspek.
Sinasabing sangkot ang mga suspek sa pagdukot sa ilang tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at sinasabing myembro rin ng ‘Gapos Gang’.
Sinasabi ring si Aguilar ay isa sa mga nasa likod ng pagpatay kay Atty. Eduardo Torres Malinis na isa rin sa kanilang mga nabiktima.