Pinatawan ng Sandiganbayan ng hanggang 8 taong pagkakabilanggo ang isang dating regional director ng Department of Education (DepEd) dahil sa maanomalyang pagbili ng halos 3M halaga ng information technology o I.T. equipment noong 2008.
Sa 21 pahinang desisyon ng 3rd dibisyon ng anti-graft court, napatunayang guilty si Walter Albos, dating DepEd Zamboanga Regional Director sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o anti-graft and corrupt practices act.
Inatasan din ng korte si Albos na magbayad ng katumbas ng halaga ng mga I.T. equipment at hindi na rin ito maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Batay sa reklamo na isinampa sa Ombudsman noong 2016, natuklasan na iginawad ang mahigit sa 2.9M pesos na halaga ng kontrata sa isang private supplier nang walang public bidding at walang approval ng regional bids and awards committee ng DepEd.