Nahaharap ngayon si dating San Juan City Vice Mayor Francis Zamora ng reklamong vote buying at undue influence sa Commission on Elections, kaugnay ng isinusulong na recall petition laban kay incumbent Mayor Guia Gomez.
Dumulog sa tanggapan ng Comelec law department ang dalawang residente ng San Juan na sina Lucila Robles at Veradel Surmieda para ireklamo si Zamora ng paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code.
Ayon sa dalawang complainant, idinaan sa educational assistance ang pamimili ng boto kung saan pinalitaw ng kampo ni Zamora na ang dokumento na kanilang nilagdaan ay para sa 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.
Kalakip din sa isinumite ng mga complainant ang photocopy ng tatlong piraso ng P1,000 na natanggap umano nila mula kay Zamora.
Kapalit umano ng natanggap nilang P2,000 hanggang P3,000 ang pagpirma nila sa petition for recall.
Matatandaang noong nakaraang linggo, naghain ang mga tagasuporta ni Zamora ng recall petition sa COMELEC sa hangad na mapalitan si Gomez sa pwesto na inaakusahan nila ng katiwalian, incompetence at abuse of power.
By: Meann Tanbio / Aya Yupangco