Humirit si dating Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan 5th Division ng dalawang araw na medical furlough.
Nakasaad sa apat na pahinang mosyon ni Estrada na kinakailangan niyang sumailalim sa videocolonoscopy sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil sa nakitang elevated blood tests.
Ang videocolonoscopy ay isang medical procedure kung saan gagamit ng isang camera na ipapasok sa anus ng isang tao para masuri ang kanyang colon, rectum, at small intestine.
Binanggit din ni Estrada sa kanyang mosyon na tatagal lamang ng tatlumpung minuto hanggang isang oras ang nasabing procedure, pero ang preparasyon aniya dito ay aabutin ng isang araw.
Sakaling pagbigyan ng Korte, sinabi ni Estrada na handa siyang bayaran ang lahat ng gagastusin sa furlough at sasamahan siya ng mga tauhan ng PNP Custodial Center.
- Meann Tanbio