Hinangaan ng dating national police chief at senador na si Panfilo Lacson ang agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang social programs ng pamahalaan upang maiahon ang mga mahihirap na Pilipino mula sa kahirapan imbes na hayaan silang umasa sa ayuda.
Sa isang social media post, sinabi ni Lacson na matagal na dapat itong naging polisiya sa pagbibigay ng ayuda para sa mga nangangailangang Pilipino.
Matatandaang sa kanyang New Year’s message, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi permanente ang ayuda. Aniya, ang pangunahin at tamang konsepto ng ayuda ay pantawid lamang, hindi palagian.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi binuburo ng epektibong ayuda ang mga tao sa kahirapan.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang assistance programs, kabilang na ang free college program, scholarship projects, at suporta sa mga magsasaka.