Inaprubahan ng sandiganbayan ang hirit na furlough ni Dating Senador Bong Revilla Jr. para makasama ang pamilya sa Bacoor, Cavite sa bisperas ng pasko.
Sa ipinalabas na resolution ng sandiganbayan first division, pinayagan si Revilla na makalabas ng kanyang kulungan sa PNP Custodial Center mula alas 11:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi ng Disyembre 24.
Nakasaad din sa resolusyon na si Revilla ang sasagot ng lahat ng gagastusin sa kanyang paglabas ng kulungan at pagtungo sa Cavite.
Inatasan din ng sandiganbayan ang PNP na mahigpit na magpatupad ng seguridad at pagbabantay kay Revilla habang nasa labas ng kanyang kulungan.
Samantala, inaprubahan din ng sandiganbayan ang hirit na furlough ng dating aide ni Revilla na si Atty. Richard Cambe sa kaparehong oras at araw.
(Ulat ni Jill Resontoc)