Nagluluksa ngayon ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas o ang Senado sa pagyao ng dating Sergeant at Arms na si Retired Maj/Gen. Jose Balajadia Jr.
Kinumpirma ni Senate President Vicente Tito Sotto III na pumanaw nga si Balajadia kaninang 12:00 ng umaga dulot ng iniinda nitong mga karamdaman tulad ng sakit sa prostate.
Nitong Hunyo 30 rin ng taong kasalukuyan ani Sotto, pormal nang nagbitiw sa tungkulin si Balajadia bagama’t hindi pa nito pinangalanan kung sino ang kapalit nito.
Ayon naman sa pamangkin ni Balajadia na si Bong Reyes, dinala na ang labi ng kaniyang tiyuhin sa St. Peter Chapels sa Baguio City at kasalukuyang isinasaayos ang katawan nito.
Gayunman, hindi muna nagbigay ng karagdagan pang mga detalye si Reyes hinggil sa kung ano ang sanhi ng pagpanaw ni Balajadia at kung bubuksan sa publiko ang burol nito.
Bago maglingkod sa Senado, nagsilbi muna si Balajadia bilang opisyal ng Philippine Air Force.