Hati ang reaksyon ng ilang mga senador hinggil sa nangyaring pagkawala ng datos ng Department of Foreign Affairs o DFA matapos tangayin iyon ng kanilang dating service provider.
Sa panayam ng DWIZ kay Senate President Vicente Tito Sotto III, kampante siyang sapat ang kakayahan ng DFA para protektahan ang privacy ng mga passport holder at mabawi ang mga tinangay na datos.
“Sa palagay ko, hindi naman dapat ikabahala pero dapat ikainis. Sa tingin ko kaya naman ng DFA na magkaroon ng enough na protection on the matter, hindi naman na-a-alarma si Sec. Locsin eh, parang naiinis lang siya eh na bakit pinagkakaisahan yung mga data. Tingin ko makukuha natin yun, hindi maaring hindi.”
Subalit para naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat kasuhan ang dating service contractor ng DFA na siyang tumangay sa datos nito.
Aniya, malinaw aniyang pananabotahe sa operasyon ng pamahalaan ang ginawa ng naturang contractor na tumangay sa mga public records na aniya’y labag sa itinatakda ng batas.
“I’am already 73 years old, sa aking pasaporte at kailangan pang hanapin yung aking birth certificate, hindi ko na po ma-produce yun, hindi ko na po maidahilan na hindi ma trace eh wala pa naman Philippine Statistics Authority nun so sa akin po, dapat sampahan ng kaso kung hindi po isasauli ito ng dating service kontraktor to compel and to return the public record.”
(From Usapang Senado interview)