Sumuko sa mga otoridad ang isang dating subleader ng Maute group at taga-sunod nito sa Butig, Lanao Del Sur.
Batay sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sumuko sa 49th infantry battalion si Hadji Omar Olama alyas ‘Omar’ o Ivan, sub leader ng Maute at kanyang tauhan na si Ibrahim Abbas Olama alyas ‘Abbas group’ noong Agosto 6.
Isinuko din ng dalawa sa militar ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang caliber .30 US carbine rifle, isang caliber .45 baril, mga magazines at mga bala.
Naniniwala naman si Westmincom Commander Lt. General Cirilito Sobejana na humihina na ang puwersa ng Maute group sa Lanao Del Sur kasunod na rin ng pagkakapatay at pagsuko ng ilang mga lider nito.
Dagdag ni Sobejana, kasabay ng kanilang isinasagawang operasyon, kanila pa ring hinihikayat ang mga bandido na magbalik loob na rin sa pamahalaan.