Kumpyansa si dating Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na malalampasan niya maging ng kanyang mga kasama ang mga kaso kaugnay sa maanomalya umanong maintenance deal para sa Metro Rail Transit Line 3.
Ito ang tugon ni Abaya makaraang mapabilang sa mga kinasuhan ng Department of Transportation sa Office of the Ombudsman ng plunder, graft at paglabag sa government procurement law.
Ayon sa dating kalihim, lahat ng proyekto at kasunduang pinasok ng gobyerno noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay ginawa alinsunod sa batas, nang may katapatan at para sa interes ng taumbayan.
Anya, nakatitiyak na malilinis ang kanyang pangalan maging ng kanyang mga kapwa dating cabinet member sa mga kasong walang batayan at pawang alegasyon lamang.
Kinasuhan din sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Finance Secretary Cesar Purisima, dating Transportation Secretary Mar Roxas, dating Energy Secretary Jericho Petilla, dating Defense Secretary Voltaire Gazmin; dating Public Works and Highways Secretary Babes Singsong at dating NEDA Chief Arsenio Balisacan.