Kinasuhan na sa Sandiganbayan si dating Vice President Jejomar Binay.
Apat na kaso ng paglabag sa Section 3 na Anti Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa laban kay Binay.
Ito ay may kaugnayan sa paggamit ng kapangyarihan para impluwensyahan ang isang kapwa official, pagtanggap ng suhol at iba pa.
Maliban sa graft, sinampahan rin ng anim na kasong Falsification of Public Documents si Binay at isang kaso ng Malversation of Public Funds.
Ang kaso ay may kaugnayan sa di umano’y overpriced na pagpapagawa sa 2.2 billion parking lot building ng Makati City Hall.
Nakatakdang i-raffle bukas sa Sandiganbayan ang mga isinampang kaso.
Mismong ang tanggapan ng Ombudsman ang humiling sa Anti-Graft Court para agad maisalang sa raffle ang nasabing kaso laban sa nakatatandang Binay.
Itinaon ng tanod bayan ang pagsasampa ng kaso laban kay Binay, dalawang linggo makaraang pormal na siyang bumaba sa puwesto kung saan, wala na ang kanyang immunity from suit.
Binay’s camp
Tinawag na diversionary tactic ng kampo ni dating Vice President Jejomar Binay ang isinampang kaso ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa dating Bise Presidente.
Ayon kay Joey Salgado, Spokesman ni Binay, nais lamang ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na mailihis ang galit ng taongbayan sa mga miyembro ng Liberal Party na kinasuhan rin dahil sa maanomalyong paggamit ng DAP o Disbursement Acceleration Fund.
Pinuna ni Salgado na matagal nang binalewala ni Morales ang rule of law at ang konstitusyon dahil sa kagustuhan niyang protektahan ang LP.
Kasabay nito ay tiniyak ni Salgado na handang harapin ni Binay ang mga kasong isinampa sa kanya sa Sandiganbayan.
Gayunman, dapat rin anyang maging handa si Morales na panagutan ang kanyang mga maling aksyon bilang Ombudsman.
By Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7) | Jaymark Dagala