Mariing itinanggi ni Davao City Councilor Nilo ‘Small’ Abellera Jr. na miyembro siya ng tinatawag na Davao Group na nagpapalusot ng mga kargamento sa BOC o Bureau of Customs.
Sa pagharap nito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pinasinungalingan din niya ang pahayag ng customs broker na si Mark Taguba na nabigyan siya nito ng limang milyong piso.
Ayon sa konsehal na tinatawag na ‘Small’, nakilala niya lamang si Taguba sa pamamagitan ni Jack.
Si ‘Jack’ ang tinukoy ni Taguba na handler umano ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Pero iginiit ni Taguba na matagal silang nag-usap ni Abellera alyas ‘Small’ at ito ang binigyan niya ng limang milyong piso.
Samantala, ipinag-utos naman ni Gordon sa NBI o National Bureau of Investigation na gawin ang lahat ng paraan upang matunton ang sinasabing ‘Jack’.