Umaasa ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina na magiging bahagi ng kanilang Rehiyon-Rehiyon Festival sa Disyembre 8 ang Lungsod ng Davao na baluwarte ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ang inihayag ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro matapos pangunahan nito ang paglulunsad ng Marikina Shoe Trade Fare sa Davao City kaalinsabay ng pagdiriwang nito ng Kadayawan Festival noong Sabado.
Ayon kay Mayor Teodoro, ang kanilang Rehiyon-Rehiyon Festival ay isang okasyon kung saan, nagkakaisa ang lahat ng kanilang mga residenteng nagmula pa sa iba’t ibang rehiyon sa bansa at piniling manirahan sa kanilang lungsod.
Nagsisilbi aniya itong pagkakataon upang ipakita ang pagiging isa ng mga Pilipino, saanman ito nagmula at iba-iba man ang kanilang kinagisnang kultura.
Binigyang diin pa ng alkalde na hindi aniya nagkakalayo ang Marikina at Davao pagdating sa peace and order gayundin sa mayamang kasaysayan at kultura na indikasyon aniya ng isang layunin na magkaroon ng isang tahimik at maunlad na komunidad.