Nagpasalamat at humingi ng paumanhin si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa lahat ng taong naniniwala sa kaniyang kakayahan para maging pangulo ng bansa.
Ito ang mga naging mensahe ng alkalde mula Zamboanga City sa kaniyang mga taga-suportang hindi nagpatinag sa malakas na ulan para magtipun-tipon sa Quirino Grandstand sa Maynila kahapon.
Batay sa ipinadalang liham ni Duterte na binasa ni dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Hermogenes Esperon, kailangan niyang tumulong sa paghahanap ng solusyon sa kinahaharap na krisis hinggil sa nangyaring pagdukot sa Samal Island kamakailan.
Bagama’t hindi nakadalo sa ginawang pagtitipon, humingi si Duterte ng sapat na panahon upang makapag-soul searching sa kaniyang sarili gayundin sa kaniyang pamilya.
Nabuhayan naman ng loob ang mga tagasuporta ni Duterte nang sabihin nito sa huling bahagi ng kaniyang liham na haharap siya sa bansa at hindi niya pababayaan ang mga Filipino.
By: Jaymark Dagala