Matigas ang mukha at Pinocchio!
Ito ang panibagong patutsada ni Davao City Mayor at Presidential Daughter Sara Duterte – Carpio laban kay Senador Antonio Trillanes.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Duterte – Carpio na matigas ang mukha ni Trillanes para ilarawan ang mga Duterte na pamilya ng mamatay tao at magnanakaw.
Giit ni Duterte – Carpio, paanong hindi nalaman ni Trillanes ang isyu tungkol sa Davao Death Squad o DDS na inuugnay sa kanyang amang, gayung nagsimula pa ito noong 1995 kung kailang mayor pa si Pangulong Rodrigo Duterte ng Davao City at inimbestigahan pa ng Commission on Human Rights o CHR sa pamumuno ni Senadora Leila De Lima.
Binigyan-diin pa ni Carpio na sa kabila ng mga isyu na ibinabato laban kay Pangulong Duterte ay lumapit pa rin si Trillanes para humingi ng tulong dito noong panahon ng eleksyon.
Hinamon pa ni Duterte – Carpio si Trillanes na patunayang hindi siya sinungaling at ang mga umano’y hawak nitong bank accounts ng pamilya Duterte ay totoo.