Itinanggi ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio na siya ang endorser ng nasunog na NCCC Mall.
Gayunman, nilinaw ng alkalde na mayroon siyang commitment sa Choice Mart na isa sa mga kumpanya ng NCCC Supermarket.
Ayon kay Duterte, mayroon ding mga suhestyon na mag – inhibit siya sa imbestigasyon dahil sa endorsement contract gayong hindi naman siya miyembro ng investigation team ng Bureau of Fire Protection o BFP.
Hindi naman aniya lumalagda ang isang alkalde sa fire investigation reports ng BFP.
Samantala, iginiit ng alkalde na walang dapat kumuwestyun lalo sa social media kaugnay sa kanyang pagresponde sa krisis.
Magugunitang batay sa salaysay ng ilang nakaligtas sa sunog, walang tumunog na fire alarm nang sumiklab ang apoy at hindi din umano gumana ang sprinklers ng gusali.
Tinitingnang sanhi ng sunog ang problema sa electrical connection sa ikatlong palapag ng mall.
Disyembre 23 nang matupok ang 14 na taon nang nakatayong four – storey establishment.