Nagdeklara na ng ‘measle outbreak’ ang Davao City health office kasunod ng mataas na bilang ng naitalang nagka-tigdas mula Nobyembre ng nakaraang taon hanggang ngayong Enero.
Batay sa datos ng Davao City health office, umabot na sa mahigit dalawang daan at dalawangpu (220) ang bilang ng mga nagpositibo sa tigdas na isinugod sa mga ospital sa lungsod bagama’t hindi lahat ay residente ng Davao City.
Kabilang anila dito ang labing anim (16) na mga call center agents.
Kasabay nito, sinabi ni Davao City health office Chief Doctor Josephine Villafuerte na kanila nang pinaigting ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng nasabing viral infection.
Dagdag ni Villafuerte, aabot na sa halos labing tatlong libong (13,000) mga bata na may edad limang (5) buwan hanggang apat (4) na taon ang kanilang binigyan ng bakuna simula nang maiulat ang unang kaso ng tigdas sa lungsod.
Pinaalalahanan pa ni Villafuerte ang publiko kaugnay ng mga sintomas ng tigdas kabilang ang mataas na lagnat, ubo, sipon, sore throat, pamumula ng mata, rashes at mga white spots sa pisngi.