Naungusan na ng Davao City ang Quezon City sa mga lugar na may pinakamataas na bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa unang linggo ng Hunyo.
Ito’y base sa datos na inilabas ng OCTA Research group, nasa 213 ang average na bagong kaso ng lungsod kumpara sa 207 ng Quezon City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magkaiba ang sitwasyon ng dalawang lungsod kung kaya’t hindi dapat ikumpara ang Quezon City sa Davao City.
Aniya, ang Quezon City ay matagal nang inilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ kaya mabilis na napigil ang pagtaas ng kaso, habang ang Davao City ay matagal na isinailalim sa general community quarantine (GCQ).
Bukod dito, dinadala sa Davao City ang mga severe COVID-19 cases ng kanilang mga kalapit na lugar.
Maguggunitang ang mga lugar sa probinsiya ay mayroong maluwag na quarantine status kung saan nagresulta ito sa pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Samantala, sa loob ng tatlong buwan, bumaba naman sa 1,000 ang average ng daily cases sa National Capital Region.