Posibleng nakararanas na ng “surge” o pagsirit sa kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Davao City matapos ang holiday season.
Ayon kay Dr. Ashley Lopez, focal person ng COVID-19 task force ng Davao City, nagsimulang tumaas ang bilang ng COVID-19 infections noong January 7 kung saan naitala ang 131 kaso.
Sinabi ni Lopez, ito na ang epekto ng tinatawag na Christmas surge o pagdami ng kaso nitong holiday kasunod ng pagdagsa ng mas maraming tao para mamili o dumalo sa mga party.
Kasunod nito, inatasan na aniya sila ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na suriin kung nakapasok na rin ang bagong variant ng COVID-19 sa lungsod kasunod ng paglobo ng kaso.
Batay sa tala ng Department of Health, nadagdagan ng 100 ang kaso ng COVID-19 sa Davao City noong January 1; 143 na bagong kaso noong January 9; 140 na bagong kaso noong January 11 at 137 na bagong kaso noong January 12.