Naungusan na ng Davao City ang mga lungsod sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na may pinakamataas na naitatalang kaso ng COVID-19.
Batay ito sa ulat ng OCTA Research Group mula June 21-27 kung saan, naitala ang 263 na daily average cases sa Davao City.
Ayon sa OCTA, dahil ito sa 93% ng pagtaas ng utilization rate ng Davao City sa kanilang intensive care unit o ICU na siyang pinakamataas mula nang magsimula ang pandemiya sa COVID-19.
Pumalo rin sa 70% ang hospital bed utilization rate sa Davao City na pumangalawa naman sa Tacloban, Leyte na may 88% critical rate.
Batay sa datos ng OCTA Research, bumaba sa siyam na porsyento ang naitala nilang COVID-19 infection sa Metro Manila sa nabanggit na panahon o katumbas ng 667 kumpara sa 731 mula June 14-20.
Kasunod nito, patuloy na inirerekumenda ng OCTA na manatili sa General Community Quarantine o GCQ ang Metro Manila hangga’t nananatiling mababa naman ang vaccination rate coverage nito.