Isinusulong sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mungkahing ilipat ang sentro ng kapangyarihan mula sa Maynila patungong Davao City.
Ito’y ayon kina Kabayan Partylist Representatives Ron Salo at Ciriaco Calalang ay upang ganap nang mabasag ang ideya ng imperyalistang Maynila at para maikalat na ang kaunlaran sa iba pang bahagi ng bansa partikular na sa Mindanao.
Sakaling makalusot, itatayo sa Davao City ang national government center kung saan, doon na ililipat ang mga mahahalagang tanggapan tulad Presidential at ang Vice Presidential palace.
Gayundin ang iba pang mga gusali ng Senado, Kamara, Korte Suprema, mga constitutional at national office ng mga ahensya ng pamahalaan, katulad sa mga bansang Amerika at China na magkahiwalay ang political at financial capital.
Maliban dito, sinabi pa ng dalawang mambabatas na isa din ito sa nakikita nilang solusyon upang mapaluwag na ng tuluyan ang Metro Manila mula sa matinding trapiko at mapapalakas din nito ang nationalism o pagbubuklod ng iba’t-ibang rehiyon bilang iisang bansa.