Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang bahid ng politika ang ginawang reassignments sa Davao City Police Office (DCPO).
Matatandaang kamakailan lang, nagkaroon ng magkakasunod na palitan ng hepe sa City Police Office ng lungsod sa loob lamang ng isang araw.
Hindi lamang isa, hindi dalawa, kundi tatlong beses na pinalitan ang hepe sa DCPO sa loob ng 24 oras.
Unang itinalaga si Col. Lito Patay upang magsilbing officer-in-charge sa DCPO. Habang nagsasagawa ng command conference, nakatanggap siya ng balita na sinibak na siya sa posisyon.
Tumagal lamang siya ng 4 na oras at 38 minuto.
Agad siyang pinalitan ni Col. Sherwin Butil, dating head ng Police Regional Office (PRO) 11 Information and Communications Technology Management Division.
Ngunit bago maupo sa kanyang pwesto, bigla siyang sinabihan tungkol sa paghirang kay Col. Hansel Marantan bilang bagong acting DCPO director.
Ilang araw lamang bago ito mangyari, 19 station commanders ng PRO-11 ang inalis sa pwesto na siyang kinondena ni Mayor Baste Duterte.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo, walang anumang kakaiba sa nangyaring pagtatalaga ng tatlong opisyal sa iisang araw.
Aniya, nangyayari rin ito sa PNP unit. Pinayuhan niya ang publiko na huwag ikonekta ang naturang insidente sa anumang sitwasyon sa politika.
Dagdag pa ng PNP spokesperson, walang ibang dahilan sa pagkakatalaga sa pwesto ni Col. Marantan bilang acting DCPO director bukod sa kalidad at kwalipikasyon nito.