Tinanggalan na ng posisyon sa mga council committee si Davao City Councilor Nilo “small” Abellera Junior dahil sa pagiging absent nito.
Magugunitang nakaladkad ang pangalan ni Abellera sa kontrobersya sa Bureau of Customs na inimbestigahan naman sa Senado.
Sa sesyon ng Konseho, karamihan sa mga miyembro ay bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Abellera bilang Chairman ng Committee on Peace and Public safety.
Sinibak din ang konsehal bilang Vice Chairman ng Committees on Public Works, Barangay Affairs, Member ng Committees on Finance, Games and Amusement at Tourism and Beautification.
Kabilang si Abellera sa mga itinuro ng customs broker at whistleblower na si Mark Ruben Taguba na tumanggap ng limang milyong Piso bilang “enrollment fee” upang maipuslit sa bansa ang 6.4 Billion Peso ng shabu mula China.