Nagpatupad na ng travel restrictions ang lokal na pamahalaan ng Davao City bilang bahagi ng kanilang hakbang para mapigilan ang posibilidad ng coronavirus disease (COVID-19) outbreak sa lungsod.
Sa ipinalabas na guidelines ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, pagbabawalan nang makalabas ng lungsod ang lahat ng kanilang mga residente.
Maliban na lamang aniya sa mga pansamantalang bumisita sa lungsod na pinapayuhan na ring umalis agad.
Inaabisuhan din ang mga biyaherong nakatakdang magtungo ng Davao City na kanselahin muna ang kanilang pagbisita hanggang sa mapaso na ang idineklarang state of public health emergency.
Gayunman, binigyang diin ni Duterte-Carpio na hindi isinasailalim sa lockdown ang Davao City.