Isasailalim sa 2 week Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Davao Oriental.
Ito’y ayon kay Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang sa isinagawang emergency meeting sa pagitan ng provincial government maging ang iba’t ibang mga opisyal ng mga bayan nito.
Dagdag pa ng opisyal na kanilang gagawing ang naturang hakbang para makatulong sa pagpapababa sa nakakaalarmang tumataas na kaso ng COVID-19 sa probinsya.
Sang-ayon sa kautusan, iiral ang mahigpit na quarantine status sa probinsya simula sa Setyembre 8 at magtatagal hanggang Setyembre 21.
Ibig sabihin, iiral ang mga pangunahing restriksyon sa ilalim ng mahigpit na quarantine status gaya ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw; 24 hour liquor ban; paghihigpit sa pagsasagawa ng burol; gayundin ang mahigpit na border control papasok at palabas ng probinsya para mapigilan ang non-essential travels.
Sa huli, sinabi ni Davao Oriental Task Force on COVID-19 Action Officer Dr. Reden Bersaldo, na sa kasagsagan ng 2 week ECQ ay mabibigyang pagkakataon ang kanilang mga tauhan na tutukan lalo ang mga pasyenteng may COVID-19 gayundin ang iba pang hakbang para tuluyang mabawasan ang hawaan ng virus.