Negatibo na mula sa type 2 polio virus ang Davao River batay na rin sa panibagong pagsusuri na isinagawa ng World Health Organization (WHO).
Gayunman, ipinaalala ni WHO representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyashinghe na hindi pa rin ito nangangahulugang tiyak nang nawala na ang polio sa rehiyon ng Davao.
Kaugnay nito, muli namang nananawagan si Davao City Health Office Technical Division chief Dr. Julinda Acosta sa lahat ng mga barangay officials sa lungsod na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal na gawing palikuran at ang pagligo sa ilog.
Patuloy ding hinihikayat ni Acosta ang mga magulang na pabakunahan kontra polio ang kanilang mga anak na limang (5) taong gulang pababa sa ikalawang round ng sabayang patak kontra polio na gaganapin mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 7.