Dinepensahan naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang naging pasya ng Commission on Elections o COMELEC.
Kaugnay ito sa nagkakaisang desisyon ng COMELEC En Banc na huwag nang gamitin ang voting receipt features sa mga vote counting machines (VCM).
Ayon kay PPCRV National Chairperson at dating Ambassador Tita de Villa, kailangang matiyak na wala na ang kultura ng vote buying para hindi magamit sa bilihan ng boto ang ilalabas na resibo ng mga makina.
Sa ngayon, sinabi ni de Villa na patuloy ang pagsasanay ng kanilang mga volunteers para makibahagi sa pagbabantay sa darating na halalan gayundin ang mabilis na paglalabas ng resulta ng eleksyon.
Samantala, muling tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) sa Malacañang at sa publiko na malabo ang dayaan sa darating na eleksyon.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, ginagawa nila ang lahat ng paraan para mapanatili ang pagiging sagrado ng mga balota gayundin ang kredibilidad ng resulta ng halalan.
Gayunman, aminado si Bautista na mahabang proseso ang mga ginagawa nilang reporma sa COMELEC at hindi ito masosolusyunan sa loob lamang ng magdamag.
Umaasa naman si Bautista na mapapansin ng publiko ang malaking pagbabago sa COMELEC sa mga darating na panahon.
By Jaymark Dagala