Magsasagawa ang House Committee on Health ng dayalogo sa pagitan ng Philhealth at Philippine Hospital Association o PHA hinggil sa updated Philhealth circular para sa temporary suspension ng claims payments.
Ipinatawag ni committee chairperson at Quezon 4th district Rep. Helen Tan ang dialogue upang bigyang-linaw ang inilabas na circular at maresolba ang issue sa pagitan ng Philhealth at mga private hospital.
Ayon kay Tan, hindi nila papayagang tumagal pa ang hidwaan ng Philhealth at mga pribadong pagamutan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Magugunitang nagbanta ang ilang private hospital na kakalas sa Philhealth dahil sa temporary suspension ng claims payments na sumasailalim sa imbestigasyon.
Inihayag ni PHA President, Dr. Jaime Almora na ilang ospital ang naalarma sa bagong kautusan ng state insurer dahil maaaring ideklarang peke ang COVID-related claims ng mga pagamutan bukod pa sa hindi pa nababayarang bilyon-bilyong pisong reimbursements.—sa panulat ni Drew Nacino