Isinailalim na sa operasyon ang dayuhang journalist na tinamaan ng bala mula sa sniper ng Maute Group na nasa labas ng Lanao del Sur capitol complex.
Sa kanyang post sa twitter account, sinabi ni ABC Reporter Adam Harvey na tumagal ng isang oras ang operasyon niya sa Makati Medical Center bago tuluyang naalis ang bala.
Ayon pa kay Harvey, ipinabatid ng doktor na masuwerte pa siya dahil hindi umabot ang bala sa carotid artery dahil mas magiging delikado ito sa dayuhan kung nangyari ito.
Dahil sa insidente, mas lalong naghigpit ang mga otoridad sa mga media men na nagko-cover sa Marawi City kung saan hindi pinapasok kung hindi naka-vest o naka-helmet.
Inihayag ni AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na tanging si Harvey ang nag iisang mamamahayag na nasa labas ng gate ng complex nang tamaan ito ng bala.
PAF muling nagpalipad ng chopper sa Marawi
Muling nagpalipad ng chopper ang PAF o Philippine Air Force sa Marawi City.
Narinig din sa lugar ang ilang pagsabog mula sa airstrike at palitan ng putok.
Bago pa ito, namataan naman sa halos kalapit ding lugar ang panibagong pagsiklab ng sunog sa kalagitnaan ng residential area at hinihinalang kagagawan ito ng Maute Group.
By Judith Estrada – Larino