Mananatiling sarado ang Pilipinas sa mga dayuhang turista, kasama ang mga foreign fiance ng mga Pilipino.
Ito ang inanunsyo ng Malakanyang sa kabila ng unti-unti nang pagluwag sa ipinatutupad na mga restriksyon para sa inbound travel.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang tanging pag-asa para muling mabuksan ang teritoryo ng Pilipinas sa mga dayuhang turista ang pagkakaroon na ng bakuna.
Aniya, hanggang may umiiral na ban sa tourist visa, hindi pa rin papayagang makapasok ng Pilipinas ang mga dayuhang fiance ng mga Pilipino.
Una nang pinahintulutan ng pamahalaan, simula December 7, ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang asawa at anak ng mga Pilipino o dating Filipino citizen basta’t kasama sila sa pagbiyahe.