Nanawagan si Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na mag-draft na ng mga panuntunan at mekanismo kaugnay sa pagkakasa ng panukalang Bayanihan 3 Assistance sa mga komunidad.
Kasunod na rin ito nang pag-apruba ng tatlong komite sa kamara ang panukalang Bayanihan 3 na may pondong P405.6-billion na halaga ng mga interventions para makatulong sa pagrekober ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Layon ng panukala na magkaloob ng P1,000 cash sa lahat ng mga Pilipino, ano pa man ang maging estado ng mga ito, samantalang maaari namang i-waive ng mga mayayamang Pinoy ang kanilang ayuda.
Mabibigyan din ng ayuda, sa ilalim ng panukala, ang mga pamilyang apektado ng COVID-19, agriculture at fishery sector, dagdag subsidy para sa Micro, Small and Medium Enterprises, guro at Overseas Filipino Workers (OFWs).