Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi na maglalaan ng pondo ang kanilang ahensya para sa Libreng Sakay Program ng pamahalaan sa susunod na taon.
Ayon kay DBM Assistant Dir. Maria Cecilia Abogado, tatagal na lamang hanggang sa buwan ng Disyembre ang Libreng Sakay na matatamasa ng mga komyuter sa National Capital Region (NCR) makaraang maghigpit ng sinturon ang kanilang ahensya bunsod ng limitadong pondo.
Sinabi ni Abogado, na nakatutok ngayon ang kanilang ahensya sa ilang programa na prayoridad umano ng gobyerno.
Matatandaang nagkaroon ng Libreng Sakay ang Edsa Bus Carousel, LRT at MRT sa kasagsagan ng COVID-19 outbreak sa bansa.
Sa ngayon, patuloy paring tinatalakay sa kongreso ang hiling na dagdagan ang pondo ng DOTr para sa mga napahintong programa na may layuning mapagaan ang pasanin ng publiko sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, serbisyo at produkto ng langis sa bansa.