Inamin ni Budget Secretary Benjamin Diokno na pinaghahanda na sila para sa isang reenacted budget sa harap ng pagbasura ng House of Representatives sa cash based budgeting para sa panukalang 2019 national budget.
Gayunman, tiniyak ni Diokno na patuloy nilang kukumbinsihin ang mga kongresista na tanggapin ang binagong sistema sa budget.
Itinanggi ni Diokno ang alegasyon ng ilang mambabatas na tinapyasan nila ang budget para sa libreng kolehiyo sa mga state universities and colleges o SUCs.
Sa katunayan, dinagdagan pa nila ang budget para rito at dinagdagan pa ang para sa mga scholars ng mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ipinaliwanag ni Diokno na ang binawasan nila ay ang budget para sa pagtatayo ng karagdagang silid-aralan dahil ang mahigit sa 200 bilyong pisong pondo para rito para sa taong 2017 at 2018 ay hindi pa nagagamit o hindi pa gumagalaw ang proyekto.
Sa ilalim ng cash based budgeting, kailangang gamitin ng isang ahensya ang inilaang budget para sa isang proyekto sa loob ng isang taon o sa taon kung kelan ito naaprubahan.
Hindi ito katulad ng kasalukuyang sistema na nariyan pa rin pa ang budget kahit hindi naman gumagalaw ang proyekto.
Sa ilalim ng konstitusyon, magkakaroon ng reenacted budget kapag mabigo ang kongreso na magpasa ng bagong budget sa katapusan ng taon.
—-