Pinagbibitiw ni Alliance of Concerned Teachers o ACT Party-list Representative Antonio Tinio si Budget Secretary Benjamin Diokno sa tungkulin.
Kasunod ito ng pahayag ni Diokno na hindi prayoridad ng pamahalaan ang pagtataas sa sahod ng mga guro.
Ayon kay Tinio, makabubuting mag-resign na lamang si Diokno kung hindi niya kayang sundin ang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hanapan ng pondo ang umento sa sahod ng mga guro.
Sa isinagawa namang kilos protesta ng mga miyembro ng ACT sa labas ng tanggapan ng Department of Budget and Management o DBM kahapon, kanilang kinondena ang naging pahayag ni Diokno.
Binatikos din ng grupo si Diokno dahil sa anila’y pagbibigay ng maling impormasyon at pagpapaniwala sa publiko na sapat para sa pang-araw araw na buhay ang sinasahod ng mga guro.
Samantala, tutol namang ang mga private schools sa panukalang pagtataas ng sahod sa mga guro sa mga pampublikong paaralan dahil sa mas lalawak na anila ang gap sa pagitan ng mga guro sa mga pribado at pampublikong paaralan.
—-