Prayoridad ng Department of Budget and Management (DBM) na kaagad maipalabas ang natitirang P1.9-bilyong calamity fund ngayong taon.
Ang pondo ay gagamitin para sa mga nasalanta ng mga nakalipas na malalakas na bagyo na Quinta, Rolly at Ulysses.
Ayon kay Budget Secretary Wendell Avisado, mayroong P3.6-bilyon sa 2020 National Disaster Risk Reduction and Management fund na hindi pa nailalabas.
P1-bilyon rito aniya ay mapupunta sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bukod pa sa P182-milyon na mapupunta naman sa Civil Defense kaya’t ang natitirang P1.9-bilyon ay ilalaan sa mga nasalanta ng kalamidad.
Sa P4.1-trilyong 2020 national budget, P16-bilyon ang inilaan sa NDRRMF; P7.5-bilyon dito ay para sa National Disaster Risk Reduction and Management program kung saan, base sa mga dokumento ng DBM, ang malaking bahagi ng pondo ay nagastos para sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, P3.5-bilyon para sa rehabilitasyon at reconstruction sa Marawi City at pagsasaayos sa mga naapektuhan sa malalakas na pagyanig sa Davao at SOCCSAKSARGEN noong nakalipas na taon.