Tuluyan nang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang puwesto bilang chairman ng Dangerous Drugs Board o DDB si retired General Dionisio Santiago.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi lamang ito dahil sa isyu ng naging pahayag ni Santiago kaugnay sa mega drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija kung hindi dahil sa sangkot aniya ito sa iligal na droga at katiwalian.
Paliwanag ni Roque, nakinabang si Santiago sa ipinagkaloob sa kanyang bahay ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog na kasama naman sa narco-list ni Pangulong Duterte.
Sinabi pa ni Roque na sangkot din sa katiwalian si Santiago matapos umano nitong gamitin ang pera ng bayan sa kanyang naging biyahe sa Austria at Amerika.
Matatandaang sinabi ni Santiago na isang pagkakamali at “impractical” ang pagtatayo ng mega drug rehabilitation facility sa Nueva ecija dahil kakaunti lamang ang nagpapagamot dito kumpara sa kapasidad nitong 10,000.
(Ulat ni Jopel Pelenio)