Hihintayin muna ng Dangerous Drugs Board (DDB) na matapos ang imbestigasyon ng iba’t-ibang ahensiya sa umano’y nangyaring “misencounter” sa pagitan ng PNP at PDEA sa Quezon City noong ika-24 ng Pebrero.
Ito ay ayon kay DDB permanent member Usec. Benjamin Reyes, bago sila magbigay ng rekomendasyon sa mga umiiral na polisiya upang maiwasang maulit ang katulad na insidente.
Sinabi ni Reyes, malalaman pa lamang sa ginaganap na imbestigasyon ang mga naging pagkukulang sa nabanggit na operasyon dahilan kaya nauwi ito sa misencounter.
Apat katao ang nasawi sa nabanggit na engkuwentro kabilang ang dalawang pulis, isang PDEA agent at informant.
Bukod sa PNP at PDEA, magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente ang National Bureau of Investigation (NBI), habang magpapatawag din ng pagdinig ang kongreso.
Tinitingnan muna namin kung saan patutunguhan ang imbetigasyon, hindi pa natin malaman kung ano yung totoong nangyari in fact several investigations na ang nakasalang ngayon and we agree with Dir. Gen. Wilkins and PNP Gen. Sinas, na abangan na lang muna natin ang imbestigasyon and then malaman natin kung ano yung mga lapses na lalabas and siguro after that pwede tayo mag-decide kung papaano natin tatakpan ang mga butas na iyan,” ani Reyes.