Dapat managot sa kriminal na paglabag si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ito ang naging reaksyon ni Justice Secretary Leila de Lima matapos aminin ni Duterte sa isang panayam sa isang lokal na telebisyon sa Davao na konektado siya sa Davao Death Squad.
Ayon kay de Lima, kung inaamin ni Duterte ang ugnayan niya sa mga pagpatay na ginagawa ng Davao Death Squad, may criminal liability ang alkalde.
Iginiit ng kalihim na hindi katanggap-tanggap sa isang lipunan ang mga pahayag ni Duterte at ang paraan niya ng pagsugpo sa kriminalidad.
Dahil ang pagpatay, kahit ano pa ang layunin o motibo ay isa pa ring karumal-dumal na krimen.
Testigo
Kaugnay nito, mayroon ng hawak na testigo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa Davao Death Squad o DDS na sangkot sa pagpatay sa mga hinihinalang kriminal sa lugar.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, umamin ang nasabing testigo na siya’y naging hitman ng DDS at ngayon ay nasa ilalim na siya ng Witness Protection Program (WPP).
Gayunman, tumanggi si de Lima na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa pagkakakilanlan ng testigo at kung direkta ba nitong iniuugnay sa grupo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang pagsasaalang-alang sa confidentiality clause ng WPP Law.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos aminin ni Duterte sa isang panayam sa media ang kanyang ugnayan sa death squad at kaya hindi umano siya tatakbo sa pagka-Pangulo ay dahil sa pangamba na mula sa 1,000 kriminal na iniligpit ng DDS, ay posibleng umanot ang bilang sa 100,000 kapag siya ay nahalal na Presidente.
By Meann Tanbio | Bert Mozo (Patrol 3)