Humiling si Senador Leila De Lima sa Korte Suprema na payagan siyang pansamantalang makalabas ng kulungan sa Huwebes.
Ito ay upang makadalo sa isasagawang pagdinig ng senado hinggil sa kaso ng 17 anyos na binatilyong napatay sa Oplan Galugad ng Caloocan City police.
Sa inihaing legislative furlough ni De Lima, kanyang iginiit na ang kanyang pagdalo sa nakatakdang senate hearing ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang isang halal na mambabatas.
Binigyang diin pa ng senadora na ang kanyang kahilingang pansamantalang makalabas ng kulungun ay patas at makatwiran lamang sa ibang akusado na unang nabigyan na ng furlough dahil sa personal na rason.
Kasabay nito, umaasa rin si De Lima na hindi lamang siya payagan na makadalo sa pagdinig ng senado sa Huwebes kundi maging sa mga isasagawa pang mga pagdinig sa hinaharap.
Hamon ni De Lima kay Pangulong Duterte
Hinamon ni Senador Leila De Lima si Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang PNP o Philippine National Police na itigil ang pagpatay sa mga nahuhuli sa kampanya kontra iligal na droga.
Ito ang nakasaad sa isang sulat-kamay na liham na ipinalabas ng senadora mula sa kanyang piitan sa PNP Custodial Center.
Ayon kay De Lima, ano mang hakbang na gawin ni Pangulong Duterte para pahupain ang galit ng publiko sa pagkakapaslang sa 17 anyos na binatilyong si Kian Loyd Delos Santos ay hindi sapat at isang pagkukunwari.
Matatandaang, kahapon ay nangako si Pangulong Duterte na kanyang pananagutin ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay kian dahil malinaw aniya na rub out ang naganap.