Mas matindi pang mga patayan.
Ito ay ayon kay Senadora Leila De Lima ang magiging resulta ng pagbabalik ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya kontra iligal na droga.
Sa kanyang nakatakda sanang arraignment ngayong Biyernes, sinabi ni De Lima na kahit nawala ang PNP sa war on drugs, hindi naman aniya nawala ang insidente ng patayan.
Binanggit din ni De Lima ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan ang body counts na aniya ay nangangahulugan ng utos ng Punong Ehekutibo ng mas maraming patayan sa war on drugs.
Una nang sinabi ni PNP Spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos na kanilang ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang at Oplan High Value Target, oras na matapos na ang paggawa ng bagong operational procedure na gagamitin ng pulisya sa war on drugs.
Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng PNP sa kampanya kontra iligal na droga bilang katuwang ng PDEA na mananatiling lead agency dito.